Feeds:
Posts
Comments

Archive for August, 2016

Dahil sayo, natutunan ko ang sining ng pagpapanggap.

Na habang nariyan ka, ilang metro lang ang pagitan,
nakatayo sa harap ko na tila walang namagitan,
ay kinakailangan kong magpanggap na hindi humihiyaw ang puso ko
sa isang statwang kagaya mo.

Natutunan kong umiwas sa mga mata mo na tila walang pinapahiwatig,
na tila walang bakas ng panghihinayang,
sapagkat halata pa sa sikat ng buwan ang pagmamahal ko
sa mga buwisit na matang ito.

Dahil aminin na natin, kahit sa simula pa man,
ay wala ka na talagang binibigkas.
Wala ka nang minamarka sa bato.
Walang kang dinedesisyunan.
At wala kang sinugal.

Kaya’t pinipili kong huwag kang tignan dahil habang walang sing hirap itago ang sinasabi ng aking mga mata ay walang sing dali sayo.
Dahil alam kong sa isang iglap ng pagdaan,
malalaman mo na may kulang dito,
na may blankong ayaw magpatalo sa panahon, sa lahat ng oras at pagkakataon,
na may hungkag kang binuo,
dito sa pagal at walang pagod na pusong ito
na gusto ko nang patayin nang higit pa sa minsan.

Ngunit ang pinakamalupit sa mga bagay na inukit mo sa puso ko,
ay ang katotohanang hindi mo alam na sabay kong dinadala ang bigat ng pagibig at pasakit ng dahil sayo.

Wala kang alam, at hindi mo man lang inalam.

Na patuloy at tahimik kong tinitiis ang hirap na hindi na kita nakakausap.
Na tila bumalik tayo sa dalawang magkaibang mundo,
walang pakialam at mga estranghero.

Subalit dinedesisyunan ko, na ito ang tama, na ito ang dapat.
Na putulin ang anumang nagdudugtong sa atin para maisalba ko ang sarili ko.
Araw araw, dinedesisyunan kong mahalin ka at huwag kang mahalin.
Na mahalin ka sa malayo, kung saan matatanggap ko nang tuluyan,
na ang pagmamahal ko sayo ay nagsimula at matatapos sa pagmamahal ko sayo.

Sa pagmamahal ko lang sayo.

P.S. Sana masubukan ko talaga to nang live. 🙂

Read Full Post »